Umaaray ngayon ang ilang PUV operators at drivers sa lalawigan ng Pangasinan dahil sa diumano’y mataas na bayarin upang magkaroon ng prangkisa at rehistro ng kanilang mga minamanehong jeepney.
Ayon sa naging panayam ng IFM News Dagupan sa isang jeepney operator, halos bente mil diumano ang kailangan niyang punan para sa legalidad ng kanyang pagpasada, gaya na lamang ng pagkuha ng prangkisa sa LTFRB at pagpaparehistro ng sasakyan sa LTO.
Dagdag pa diumano sa gastusin, ang binayaran nilang membership fee sa kanilang mga sinalihang korporasyon kaugnay ng konsolidasyon para sa PUV Modernization Program, na nagkakahalaga diumano ng halos limang libo.
Samantala, sadsad na rin diumano ang kanilang kinikita dahil sa patuloy na pagtaas ng krudo at iba pang mga pangunahing bilihin, kaya’t halos wala nang natitira sa kanilang pamamasada.
Pangamba naman ng ilang jeepney operators ang nakaaambang paglulunsad ng Modernized Jeepneys sa rutang Calasiao-Dagupan, dahil sa mga kakailanganin nilang punan na gastusin ukol dito. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨