Cauayan City – Naabot ang tubig-baha ang ilang kabahayan sa Brgy. Nagcampegan, Cauayan City, noong kasagsagan ng paghagupit ng bagyong Nika.
Sa naging panayam ng IFM News Team kay Ginang Judith Galvizo, kagawad sa nabanggit na lugar, halos umabot sa baywang ang tubig-baha sa ilang mga kabahayan sa kanilang lugar.
Mabuti na lamang umano at nagamit bilang pansamantalang evacuation center ang taas ng kanilang barangay hall kaya naman doon pansamantalang inilikas ng mga apektadong residente ang kanilang mga kagamitan.
Gayunpaman, dahil sa lakas ng hangin at pag-ulan ay pinasok pa rin ito ng tubig-ulan kaya naman kinailangan pa ring takpan ng trapal ang mga kagamitan ng mga residente.
Sa kabutihang palad, wala naman umanong iniwang napinsalang mga kagamitan sa naranasang pagbaha, maliban na lamang sa makapal na putik na dala ng tubig.
Sa ngayon, may mangilan-ngilan pa ring mga kagamitan ang naiwan sa evacuation center dahil iniwan muna ito ng mga apektadong residente habang kasalukuyan ang ginagawa nilang paglilinis.