Hirap na rin ang ilang sari-sari store owners sa Dagupan city sa pag-avail ng bigas ngayon dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo nito.
Ang bagsak kasi ngayon sa kanila ng mga rice retailers na dumadayo sa bara-barangay, tumaas ng ₱100 hanggang ₱200 ang kada sako.
Mula sa dating kuha nila na ₱1,080 hanggang ₱1,100 na kada sako ng bigas kamakailan ay pumalo na umano ngayon sa ₱1,200 hanggang ₱1,300 ang kada sako.
Ang ilang store owners, magandang klase ng bigas ang kanilang ina-avail sa mga rice retailers dahil mas gusto umano nilang magbenta ng magandang kalidad at uri ng bigas.
Kaya para mabawi ang pinuhunan sa bigas, mapipilitan ang mga maliliit na tindahan na itaas ang kada kilo ng benta nilang bigas kung saan mula sa dating presyuhan nila ng ₱50 hanggang ₱55 ay itinaas nila ito sa ₱55 hanggang ₱60 ang kada kilo.
Ang ilang mamimili sa mga barangay, mas gusto pa ring bumili sa mga sari sari stores dahil bukod sa mas malapit umano ay mas mapapagastos pa sila sa pamasahe kapag pupunta pa sa mga retailer stores sa public market.
Samantala, batay sa pagtataya ng United States Department of Agriculture, inaasahan na mananatiling number one importer ng bigas ang Pilipinas ngayong taon dahil sa inaasahang nasa 3.8 million tons ng imported na bigas ang aangkatin ng bansa. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨