Wednesday, February 25, 2026

𝗜𝗠𝗕𝗘𝗦𝗧𝗜𝗚𝗔𝗦𝗬𝗢𝗡 𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗚𝗣𝗔𝗦𝗟𝗔𝗡𝗚 𝗦𝗔 𝗙𝗢𝗥𝗠𝗘𝗥 𝗕𝗘𝗔𝗨𝗧𝗬 𝗤𝗨𝗘𝗘𝗡 𝗦𝗔 𝗦𝗔𝗡 𝗠𝗔𝗡𝗨𝗘𝗟, 𝗠𝗔𝗬 𝗗𝗘𝗩𝗘𝗟𝗢𝗣𝗠𝗘𝗡𝗧 𝗡𝗔

CAUAYAN CITY – Umuusad na ang imbestigasyon sa pagpaslang sa dating beauty queen na si Lulette Jane De Guzman.

Sa panayam ng IFM News Team kay Faustino U. Dy IV, kinumpirma nitong nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon at may mga bagong impormasyon nang hawak ang pulisya.

Gayunman, hindi pa maaaring isapubliko ang detalye dahil hinihintay pa ang go signal mula sa nakatataas na tanggapan.

Ayon sa alkalde, may naibahagi na sa kanya ang hepe ng pulisya ng San Manuel hinggil sa mga bagong impormasyong lumabas sa kaso, subalit opisyal na pahayag ay hindi pa maaaring ilabas habang patuloy ang validation at case build-up.

Matatandaang nasawi si De Guzman noong Pebrero 13, 2026 matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa harap mismo ng kanilang bahay sa Barangay Cabaritan, San Manuel, Isabela.

Naihatid na rin sa huling hantungan ang mga labi ni Lulette kaninang umaga, Pebrero 25, 2026 at napagpasyahan ng pamilya na ipa-cremate ang kanyang labi.

Samantala, pinalakas ng Philippine National Police ang police visibility sa bayan, kabilang ang paglalagay ng seguridad sa pamilya ng biktima upang matiyak ang kanilang kaligtasan habang hindi pa nareresolba ang kaso.

Patuloy namang umaasa ang pamilya at mga kaibigan ni De Guzman na mabibigyan ng hustisya ang kanyang pagkamatay, habang hinihikayat ng mga awtoridad ang sinumang may mahalagang impormasyon na makipag-ugnayan sa pulisya upang mapabilis ang pag-usad ng kaso.

————————————–

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.

‎#985ifmcauayan
‎#idol
‎#numberone
#ifmnewscauayan

Facebook Comments