Ikinabigla ng mga residente ng Brgy. Macalong sa bayan ng Asingan ang pagkasunog ng ancestral house doon.
Gawa sa light materials ang ilang parte ng naturang bahay kaya mabilis na tinupok ng apoy ang kalakhang bahagi nito.
Pagbabahagi ng caretaker na si Melchor Esteban, alas sais y medya ng umaga nang magsimula ang sunog at sa bilis ng pagkalat ay walang naisalbang kagamitan ang mga ito. Tanging ang suot lamang nila na mga damit ang natira.
Ligtas naman ang iba pang naninirahan sa ancestral house ngunit nasawi ang mga may breed na alagang tuta.
Agad naman na rumesponde ang BFP Asingan kaya naapula ang apoy at hindi na kumalat sa karatig na kabahayan. Hinihinalang ang cellphone na naiwang naka-charge ang pinagmulan ng sunog.
Samantala, patuloy naman ang pagpapaabot ng tulong pinansyal at food packs mula sa lokal na pamahalaan, MDRRMO at barangay council sa mga biktima. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨