
Cauayan City – Magkakaloob ang pamahalaan ng Japan ng ₱665 milyon para sa pagtatayo ng modernong rice processing system sa Cauayan City, Isabela bilang suporta sa buffer stocking program ng gobyerno ng Pilipinas.
Nilagdaan ng Department of Agriculture (DA) sa pamamagitan ng National Food Authority (NFA) ang grant agreement kasama ang Japan International Cooperation Agency (JICA) sa ilalim ng “Economic and Social Development Programme” ng Japan.
Ayon sa DA, gagamitin ang pondo para sa pagbili ng apat na mechanical grain dryers na may kapasidad na 30 metric tons bawat isa, isang multi-stage rice mill na may kapasidad na 10 tons kada oras, at apat na grain silos na may kapasidad na 1,000 metric tons bawat isa kung saan nakaplanong simulan ang proyekto mula 2026 hanggang 2027.
Itatayo ang pasilidad sa isang NFA-owned site sa Cauayan City, isa sa pangunahing rice-producing areas ng Isabela. Kasalukuyang itinatayo ang warehouse sa pamamagitan ng government counterpart funding.
Ayon sa DA, inaasahang mapapalakas ng bagong sistema ang kapasidad ng NFA na tumanggap at magproseso ng mas malaking dami ng palay, mababawasan ang postharvest losses, tataas ang milling recovery rates, at makakagawa ng mas mataas na kalidad na bigas para sa mga programa ng gobyerno at sa panahon ng sakuna.
Binanggit ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na nagpapakita ang grant ng matibay na ugnayan ng Pilipinas at Japan sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura at sa pagsisiguro ng pambansang seguridad sa pagkain.
Samantala, nagpahayag ng pasasalamat si Governor Rodito T. Albano sa pamahalaan ng Japan at DA sa tulong para sa probinsya, na inaasahang makapagpapalago sa produksyon ng palay at kabuhayan ng mga magsasaka.
Tinatayang higit 5,000 magsasaka sa Cauayan City at kalapit na bayan ang direktang makikinabang sa proyekto sa pamamagitan ng mas malawak na NFA procurement sa makatarungang presyo tuwing harvest season.
Tiniyak naman ng NFA ang transparency at accountability sa pagpapatupad ng proyekto upang agad makinabang ang mga magsasaka at konsyumer sa Isabela.
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










