
Cauayan City – Mabait, maalaga, at mapagmahal. Ganito ilarawan ni Dr. Clifford Dela Cruz ang kanyang asawa at dating Beauty Queen na si Lulette Jane “Jing” Dela Cruz na nasawi sa isang karumal-dumal na pamamaril sa harap mismo ng kanilang tahanan sa Brgy. Cabaritan, San Manuel, Isabela gabi noong ika-13 ng Pebrero.
Ayon sa ulat ng pulisya, bago mangyari ng insidente ay pauwi na sa kanilang Bahay ang biktima kasama ang kanyang ama at mga anak sakay ang kanilang sasakyan.
Nang marating ang labas ng kanilang bahay, bumaba umano ang ama nito upang buksan ang gate subalit dalawang lalaki sakay ng motorsiklo ang lumapit sa kanila kung saan isa sa mga ito ang mismong lumapit at bumaril sa biktima.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ang kanilang motorsiklo habang kaagad namang isinugod sa pagamutan ang biktimang si Jing subalit sa kasamaang palad ay hindi ito nakaligtas sa kamatayan.
Samantala, sa panayam ng IFM News Team sa ama ng biktima, narinig pa umano nito ang isa sa mga gunman na nagsabing “Isu atan”, o sila na ang hinihintay ng mga ito kasunod ng pagpapaputok ng baril.
Dahil sa malagim na trahedya, tinututukan ngayon ng kapulisan ang imbestigasyon sa pamamaril sa biktima sa pamamagitan ng pagbuo ng Special Investigation Task Force. Nakipag-ugnayan na rin ang San Manuel Police Station sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) upang mangalap ng karagdagang ebidensya.
Matapos ang karumal-dumal na pagkasawi ni Jing, marami ang nakidalamhati at umalala sa karangalang iniuwi nito sa bayan ng San Manuel, Isabela matapos na maging kinatawan ng Miss Earth Philippines 2013 at tanghalin bilang runner up.










