
Cauayan City — Bilang pagkilala sa kanyang huwarang asal, integridad, at malasakit sa kapwa, pinarangalan si PCpl William H. Duca ng Police Regional Office 2 bilang isa sa Top 10 PNP Personnel with Good Deeds sa ginanap na 32nd PNP Ethics Day ngayong araw, January 05, 2026 sa PNP National Headquarters, kung saan personal siyang kinilala ni PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., Acting Chief ng Philippine National Police.
Matatandaang noong Oktubre 4, 2025, habang bumiyahe kasama ang pamilya sa Barangay Santa, Tumauini, Isabela, nasaksihan ni PCpl Duca ang isang aksidente kung saan nahulog sa gilid ng kalsada ang isang pickup vehicle.
Agad siyang huminto at tumulong sa mga biktima, bagama’t siya ay off-duty, tiniyak ang kanilang kaligtasan at iniulat ang insidente sa mga awtoridad. Dahil sa kanyang mabilis at maagap na aksyon, ligtas na naisalba ang mga biktima at dinala sa ospital para sa agarang lunas.
Ayon kay Corporal Duca, ang pagtulong sa nangangailangan ay hindi lamang dapat ginagawa kapag naka-uniporme, kundi nakaugat sa karakter at disiplina ng isang tunay na alagad ng batas.
Ang kanyang kabayanihan ay kumalat sa social media at nagpatibay sa tiwala ng publiko sa Philippine National Police.
Bilang paunang pagkilala, ginawaran siya ng Certificate of Recognition ni PCOL Lee Allen B. Bauding, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office, noong Oktubre 13, 2025.
Ang kanyang kabutihang-loob at integridad ang nagbigay-daan upang mapabilang siya sa Top 10 PNP Personnel sa PNP National Headquarters, bilang huwarang halimbawa ng etikal na pamumuno at serbisyong lampas sa tawag ng tungkulin.
Source: PNP Isabela
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










