Humihiling ngayon ng karagdagang pondo ang Department of Agriculture – Ilocos Region para sa mga posibleng maging epekto ng El Niño sa rehiyon uno, ngayong taon bilang parte ng kanilang aksyon laban dito.
Ipinarating na ng DA Region 1 ang kanilang kahilingan sa central office ng DA, kung saan PHP652.8 million ang kabuuang halaga na kanilang ilalaan sa kanilang paghahanda laban sa mga magiging epekto ng El Niño at rehabilitasyon sa lahat ng posibleng mangyari dulot nito.
Ayon kay DA-Ilocos Information Officer Vida Cacal, ang kanilang action plan sa paghahanda sa El Niño ay ibinase sa dry spell na naranasan noong 2009-2010. Kaya naman, ang pondong hiling ng tanggapan diumano ay makatutulong sa mga paghahanda tulad ng pagsasaayos at pagpapalakad ng disaster task force El Niño, at maging sa pagmomonitor ng mga sakahan sa rehiyon.
Dagdag pa nito, kasama umano sa kanilang plano ang pagbibigay ng mga seeds at iba pang farm inputs, pagsasagawa ng mga bagong irigasyon, pagsasaayos at pagrehabilitate ng mga irrigation canals at cloud seeding.
Samantala, ibinahagi ni Cacal na sa ngayo’y wala pa silang natatanggap na mga ulat ukol sa epekto ng El Niño, kaya, aniya’y, maituturing nilang wala pang matinding epekto ito sa mga sakahan sa rehiyon.
Matatandaan na ang El Niño phenomenon ay nag-umpisa na noong 2023 at inaasahang magpi-peak ito sa buwan ng Abril at Mayo, ayon sa PAG-ASA. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨