CAUAYAN CITY – Nadagdagan pa ang kasong sexual assault at indecent assault na kinakaharap ng Austrian-Canadian billionaire na si Frank Stronach.
Unang nasampahan ng nasabing kaso ang 92-anyos na bilyonaryo noong Hunyo at ilang buwan lamang ang nakalipas ay muling nagsampa ng dagdag na kaso ang Peel Regional Police kung kaya’t umabot sa kabuuang 18 ang bilang ng kaso nito.
Ang mga nasabing kaso ay mula pa noong taong 1977 hanggang Pebrero ngayon taon.
Itinanggi naman ni Stronach ang mga paratang na ibinabato sa kanya at nakatakda itong humarap sa korte sa ika-7 ng Oktubre.
Naging isa sa pinakamayamang tao sa Canada si Stronach dahil sa paggawa nito ng Magna International, isang automotive company, noong taong 1957.
Itinatag niya rin ang The Stronach Group, isang kumpanya na dalubhasa pagdating sa horse racing, maging ang Stronach International noong 2018, isang kumpanya na naka-focus sa organic foods at “micro-electric mobility.”