Friday, January 16, 2026

𝗞𝗢𝗥𝗧𝗘 𝗦𝗔 𝗧𝗨𝗚𝗨𝗘𝗚𝗔𝗥𝗔𝗢 𝗖𝗜𝗧𝗬, 𝗣𝗜𝗡𝗔𝗪𝗔𝗟𝗔𝗡𝗚-𝗦𝗔𝗟𝗔 𝗔𝗡𝗚 𝗦𝗧𝗨𝗗𝗘𝗡𝗧 𝗔𝗖𝗧𝗜𝗩𝗜𝗦𝗧 𝗡𝗔 𝗟𝗜𝗠𝗔𝗡𝗚 𝗧𝗔𝗢𝗡𝗚 𝗡𝗔𝗞𝗔𝗞𝗨𝗟𝗢𝗡𝗚



Cauayan City – Pinawalang-sala ng Regional Trial Court (RTC) Branch 10 ng Tuguegarao City ang student activist at peasant sector organizer na si Amanda Echanis matapos ang halos limang taong pagkakakulong kaugnay ng kasong illegal possession of firearms and explosives.

Ayon sa hukuman, hindi sapat ang mga ebidensiyang iniharap upang mapawalang-bisa ang presumption of innocence ng Konstitusyon at hindi nito naabot ang antas ng proof beyond reasonable doubt na kinakailangan sa mga kasong kriminal.

Si Echanis ay kinasuhan ng paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at Republic Act No. 9156 na nag-amyenda sa mga batas hinggil sa illegal possession of firearms kung saa pinawalang-sala siya ng korte sa parehong kaso.

Matatandaang inaresto si Echanis ng mga pulis noong madaling araw ng Disyembre 2, 2020 sa Baggao, Cagayan habang inaalagaan ang kanyang isang buwang gulang na sanggol.

Nanatili siya sa detention dahil itinuturing na nonbailable ang mga isinampang kaso.

Batay sa desisyon ng korte, malinaw ang kakulangan ng awtoridad sa pagsunod sa knock-and-announce rule o Rule 126 ng Rules of Court sa isinagawang operasyon at paghahalughog.

Tinukoy din ng hukuman ang paglabag sa hierarchy of witnesses, ang pagkaantala sa pagsasagawa ng search, at ang kakulangan sa transparency at maayos na dokumentasyon ng operasyon, na nagdulot ng pagdududa sa integridad ng buong search.

Dagdag pa ng korte, hindi rin napatunayan ng prosekusyon na may aktuwal na pagmamay-ari o kontrol si Echanis sa mga sinasabing kontrabando.

Ikinagalak ng mga human rights advocates at grupong magsasaka ang desisyon ng korte, na ayon sa kanila ay patunay ng kawalan ng batayan ng mga kasong isinampa laban kay Echanis.

Iginiit ng mga grupo na ang kanyang pagkakakulong ay resulta ng gawa-gawang kaso upang patahimikin ang kanyang adbokasiya at organisasyon sa hanay ng mga magsasaka at kababaihang magsasaka.

Nanawagan din ang mga kaalyadong organisasyon na papanagutin ang mga opisyal na sangkot sa ilegal na pag-aresto at pagkakakulong kay Echanis.

Ayon sa kanila, inilantad ng kaso ni Echanis ang umano’y padron ng panunupil at paglikha ng huwad na kaso laban sa mga kritiko ng pamahalaan.

Source: Inquirer.net

————————————–

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan

Facebook Comments