Sunday, February 22, 2026

𝗟𝗔𝗟𝗔𝗞𝗜𝗡𝗚 𝗡𝗔𝗚𝗣𝗔𝗞𝗔𝗟𝗔𝗧 𝗡𝗚 𝗙𝗔𝗞𝗘 𝗡𝗘𝗪𝗦 𝗦𝗔 𝗦𝗢𝗖𝗜𝗔𝗟 𝗠𝗘𝗗𝗜𝗔, 𝗞𝗜𝗡𝗔𝗦𝗨𝗛𝗔𝗡!

Cauayan City – Pormal nang inihain sa piskalya ang mga kaukulang kaso laban kay Norman Mangusin, na mas kilala bilang “FLM,” kaugnay sa kumalat na Facebook post tungkol sa umano’y pagkakaaresto ng isang indibidwal.

Nilinaw ng PRO 2 na ang larawang ginamit sa naturang post ay mula sa isang hiwalay na insidente ng pag-aresto na naganap noong ika-7 ng Enero ngayong taon at walang kaugnayan sa pangalang binanggit sa online na pahayag.

Kabilang sa mga reklamong inihain ang paglabag sa Section 4 o Cyber Libel at Identity Theft ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012, gayundin ang Article 287 o Unjust Vexation ng Revised Penal Code na inamyendahan ng Republic Act No. 10951.

Ang mga nasabing kaso ay daraan sa pagsusuri ng piskalya at ng mga kinauukulang hukuman alinsunod sa umiiral na proseso ng batas. Binigyang-diin din ng PRO 2 na ang lahat ng alegasyon ay mananatiling paratang hangga’t hindi napapatunayan sa korte.

Kasabay nito, hinikayat ng PRO 2 ang publiko na maging responsable at mapanuri sa pagbabahagi ng impormasyon sa social media at tiyaking sa mga opisyal na pahayag lamang kumukuha ng beripikadong detalye.

Iginiit ng tanggapan ang kanilang paninindigan sa katotohanan, integridad, at pananagutan, at nanawagan ng patuloy na pakikipagtulungan ng mamamayan para sa kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.

————————————–

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.

‎#985ifmcauayan
‎#idol
‎#numberone
‎#ifmnewscauayan

Facebook Comments