𝗟𝗔𝗟𝗔𝗞𝗜𝗡𝗚 𝗡𝗔𝗛𝗨𝗟𝗜𝗛𝗔𝗡 𝗡𝗚 𝗕𝗔𝗥𝗜𝗟, 𝗡𝗔𝗦𝗔𝗠𝗦𝗔𝗠𝗔𝗡 𝗥𝗜𝗡 𝗡𝗚 𝗜𝗟𝗘𝗚𝗔𝗟 𝗡𝗔 𝗗𝗥𝗢𝗚𝗔

Cauayan City – Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos itong maaresto kagabi, ikalawang araw ng Setyembre sa Brgy. Tallungan, Reina Mercedes, Isabela.

Ang pagkakaaresto ng suspek ay nag-ugat nang makatanggap ng tawag ang Reina Mercedes PS mula sa isang concerned citizen kaugnay sa isang kahina-hinalang lalaki na may sukbit na baril sa kanyang bewang na nasa nabanggit na lugar.

Kaagad na rumespunde sa lugar ang mga awtoridad at dito positibong nakita ng mga ito ang suspek na si alyas “Henry” na may sukbit na baril sa kanyang kanang bewang.


Sinubukan pang tumakbo ng suspek patungo sa loob ng kanyang sasakyan subalit nagawa itong pigilan ng mga awtoridad at kaagad na inaresto matapos bigong makapag presinta ng kaukulang dokumento para sa baril na bitbit nito.

Bukod sa caliber 38 revolver na naglalaman ng apat na bala, nakumpiska rin sa suspek ang dalawang silyadong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Kaagad ring isinagawa ang pag-iimbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng suspek, elected officials, NPS at Media Representative.

Facebook Comments