Cauayan City – Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki nang maaresto ito ng mga awtoridad kahapon, ika-6 ng Agosto, sa lungsod ng Cauayan matapos nitong pagnakawan ang pinapasukan nitong gasulinahan.
Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team sa Cauayan City Police Station, bago mangyari ang insidente, pasado alas dose ng tanghali sa parehong araw ay inutusan umano ng kasamahan din nitong sekretarya ang suspek na si alyas “Jack”, 33 anyos, na i-deposit nito sa bangko ang perang nagkakahalaga ng P27,020.00 at pagkatapos ay mag-withdraw naman ng panibagong P35,000.00.
Hapon na umano ng bumalik ang suspek sa gasulinahan at wala itong kibo kaugnay sa ginawa nitong transaksyon sa bangko, kaya naman tinanong ito ng taong nag-utos sakanya kung nasaan na ang perang inilabas nito sa bangko pati na rin ang deposit slip.
Dito ay sinabi nga ng suspek na nabiktima umano siya ng “Salisi”, ngunit ‘di kalaunan ay nalaman rin na sa halip na sa bangko ilagay ay idineretso nito ang pera sa kanyang Online Payment Apps at ginamit pang sugal sa online sabong.
Sa kasamaang palad, nasimot sa online sabong ang P62,000 na perang ninakaw nito.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Cauayan City Police Station ang suspek para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.