
Cauayan City – Nagkaisa ang Lokal na Pamahalaan ng Tumauini at ang PNP Tumauini upang tugunan ang sunod-sunod na insidente ng cattle rustling sa bayan.
Sa isinagawang Legislative Session ng Sangguniang Bayan sa Municipal Building sa Brgy. San Pedro, pinangunahan ito nina Vice Mayor Christopher Uy sa gabay ni Mayor Venus T. Bautista.
Layunin ng pagpupulong na makahanap ng agarang solusyon sa pagkatay ng mga alagang hayop na iniiwan sa mga pastulan.
Ayon sa ulat, ilang insidente na ang naitala kung saan mismong sa pastulan kinakatay ang mga baka at iba pang alagang hayop. Dahil dito, dumalo sa sesyon si PMAJ Melchor A. Aggabao Jr., hepe ng pulisya ng Tumauini, kasama ang mga may-ari ng meat shop, kinatawan ng Municipal Agricultural Office (MAO), at mga residenteng biktima.
Sa pagpupulong, ibinahagi ng mga biktima ang detalye ng mga pangyayari at nagtanong hinggil sa mga dokumento at prosesong dapat sundin ng mga may-ari ng meat shop sa pagbili at pagbebenta ng karne.
Bilang tugon, sinabi ni PMAJ Aggabao na may mga nakalap nang impormasyon at ebidensya ang kapulisan kaugnay sa mga insidente at kasalukuyan nang inihahanda ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek.
Hinimok din ng hepe ng pulisya ang kooperasyon ng publiko at binigyang-diin na ang pag-iingat at pagbabantay sa mga alagang hayop ay mahalaga upang maiwasan ang krimen at iginiit na ang krimen ay responsibilidad ng bawat isa.
Umaasa naman ang lokal na pamahalaan na mabibigyan ng konkretong hakbang ang suliranin sa cattle rustling na patuloy na nakaaapekto sa kabuhayan ng mga mamamayan ng Tumauini.
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










