Cauayan City – Kinikilala ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Gamu ang kahalagahan ng maayos na kalusugan kaya naman sila ay naghatid ng libreng serbisyong medikal at dental para sa mga residente.
Ang aktibidad na ito ay bilang parte ng pagdiriwang ng Aggaw ng Gamu, ang kapistahan sa nabanggit na bayan.
Naging posible ang pagsasagawa ng aktibidad sa pamamagitan ng inisyatibo at pagtutulungan ng LGU Gamu katuwang ang Quezon City Dynamic Lions Club, at 5th Infantry “STAR” Division.
Bukod sa medical at dental check-up, eye refraction, at Diabetes Awareness, ay namahagi rin ng libreng gamot para sa mga residente.
Sa eksklusibong panayam ng iFM News Team sa Club President ng Lions Club na si John Russell Choa Jr., at sa kanilang Chairperson na si Daisy A. Galanza, isang karangalan para sa kanila na makarating sa bayan ng Gamu ang kanilang paghahatid tulong at serbisyo.
Dahil dito, nagpapasalamat sila sa Lokal na pamahalaan ng Gamu, sa kanilang mga miyembro, maging sa iba pang partner agencies sa ginawa nilang pagsuporta sa aktibidad na ito.