
Cauayan City – Ilulunsad ng Rural Health Unit (RHU) Cabagan ang libreng programang medikal na naglalayong magbigay ng operasyon para sa mga kababayan, bata man o matanda, na nangangailangan ng agarang interbensyong pangkalusugan sa darating na February 27, 2026.
Saklaw ng libreng operasyon ang mga pasyenteng may bingot at ngongo, gayundin ang mga ipinanganak na may imperforate anus, hydrocele, hernia, Hirschsprung’s disease, anorectal malformation, lipoma o iba pang uri ng bukol, at undescended testes.
Ayon sa RHU Cabagan, layunin ng programang ito na matulungan ang mga pasyenteng may limitadong kakayahang pinansyal at mabigyan sila ng mas maayos na kalusugan na magsisilbing pundasyon ng mas magandang kinabukasan.
Binigyang-diin ng mga opisyal ng RHU na mahalagang maagapan ang mga ganitong kondisyon upang maiwasan ang mas malubhang komplikasyon at mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga pasyente.
Hinikayat ng RHU ang mga magulang at kamag-anak ng mga posibleng benepisyaryo na makipag-ugnayan sa kanilang mga Barangay Health Workers upang makakuha ng karagdagang impormasyon at gabay sa proseso ng pagpaparehistro at pagsusuri.
Sa pamamagitan ng programang ito, patuloy na ipinapakita ng RHU Cabagan ang kanilang malasakit sa kalusugan ng komunidad at ang kanilang hangaring mailapit ang serbisyong medikal sa mga mamamayang higit na nangangailangan.
—————————————
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










