Isang lalaki na lider ng isang drug group ang nakuhanan ng 5. 8 milyong halaga ng illegal na droga sa bayan ng Bayambang sa ikinasang anti-illegal drugs operation ng awtoridad.
Ang suspek ay kinilala ng awtoridad bilang alyas “Nakila”, 47 anyos.
Nakumpiska sa kaniyang tahanan sa Brgy. Telbang ang 860 gramo ng droga.
Ayon kay PRO 1 Information Officer Benigno Sumawang, si Nakila ay lider ng Alikan Drug Group na nag-ooperate sa Pangasinan at isang high value target at regional top priority.
Sinabi naman ni PDEA Pangasinan Director, IA V Rechie Camacho, ang Alikan Drug Group ay nadiskubre noong taong 2015 nang si Nakila ay tumira sa lungsod ng Dagupan.
Dagdag pa ni Camacho, nawala ang grupo noong mag-umpisa ang war on drugs ng administrasyong Duterte noong 2016.
Hindi nagtagal, namonitor uli ang ilegal na gawain ng grupo sa Bayambang.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at haharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨