Bumuwelta si Lingayen Vice Mayor Mac Dexter Malicdem sa paratang na di umano’y pagbawi ng kanyang opisina sa P4,000 na bahagi ng cash payout ng mga benepisyaryong senior citizens mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ito ay matapos talakayin sa “unassigned business” ng Sangguniang Bayan session noong August 19 na pinangunahan ni Councilor JM Crisostomo ang umano’y reklamo na P1, 000 lamang sa halip na P5, 000 ang natanggap ng nasa 40 benepisyaryo ng cash payout.
Ito umano ay dahil sa referral na galing sa opisina ng bise alkalde na tinatawagan ang bawat senior citizen na kinakailangang ibalik ang P4, 000.
Nilinaw ni Malicdem na naibalik agad sa mga benepisyaryo ang P4, 000 sa parehong araw at kumpleto umano ang natanggap ng mga benepisyaryo.
Idinaan din umano nito sa tamang imbestigasyon ang insidente upang malaman ang katotohanan dahil nasa Iloilo ito para sa isang official business nang mangyari ang payout.
Iginiit din ng opisyal ang karapatan nitong malaman ang tatalakayin sa mga Sangguniang Bayan sessions bilang presiding officer na nakapaloob sa parliamentary procedure o internal rules and regulations ng Sanggunian.
Panawagan ni Vice Mayor Malicdem na idaan sa tamang proseso ang mga ganitong isyu bago i-ere sa publiko dahil nagdudulot ito ng kasiraan sa reputasyon ng isang tao. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨