𝗟𝗢𝗟𝗢, 𝗣𝗔𝗧𝗔𝗬 𝗠𝗔𝗧𝗔𝗣𝗢𝗦 𝗦𝗔𝗟𝗣𝗨𝗞𝗜𝗡 𝗡𝗚 𝗣𝗔𝗠𝗣𝗔𝗦𝗔𝗛𝗘𝗥𝗢𝗡𝗚 𝗩𝗔𝗡

Cauayan City – Binawian ng buhay ang isang lolo matapos masalpok ng isang pampasaherong van ang sinasakyan nitong motor kahapon, ika-29 ng Hulyo, sa Brgy. Raniag, Ramon, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team sa Ramon Police Station, lulan ang biktimang si Ariston Toquero, 68 anyos, sa kanyang motorsiklo, habang minamaneho naman ni Balter Sanchez, 34 anyos ang pampasaherong van.

Sa inisyal na pagsisiyasat ng mga awtoridad, pareho umanong binabaybay ng dalawang behikulo ang hilagang direksyon at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente, dahan-dahang tumigil si Toquero upang sana ay lumiko pakaliwa nang bigla na lamang siyang salpukin ng nag-overtake na pampasaherong van na minamaneho ni Sanchez.


Dahil sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon ang driver at nagtamo ng malalang pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan nito na nagresulta ng kanyang pagkasawi.

Samantala, sa ngayon ay nasa kustodiya pa rin ng Ramon PS so Sanchez kung saan inihahanda na ang kasong posibleng isampa laban sa kanya.

Facebook Comments