CAUAYAN CITY – Muling nagpaalala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 02 kaugnay sa karapatan sa ligtas na pagbyahe ng mga komyuters.
Mahigpit na pinapaalala ng ahensya na dapat na sundin ng mga drivers at operator ang nakasaad sa Memorandum Circular No. 2023-016 at Republic Act No. 11313 o ang “Safe Spaces Act.”
Layunin ng mga batas na ito na protektahan ang mga Pilipino sa mga pampublikong sasakyan at terminal laban sa anumang uri ng karahasan, nang walang pinipiling kasarian.
Ang sinuman na mapapatunayang lumabag sa alinman sa nabanggit ay papatawan ng parusa at naaayon na multa.
Para sa 1st offense, papatawan ng P5,000 na multa at anim na buwang suspensyon, habang P10,000 naman sa 2nd offense, at isang taon na suspensyon, at ang 3rd offense naman ay P15,000 at pagpapawalang bisa ng Certificate of Public Convenience ng sasakyan.
Kabilang sa maituturing na offenses ay cat calling, pamamahiya, bastos at mapanakit na pananalita, panghihipo, at iba pang malalaswang kilos.