Patuloy na nararanasang ngayon ang maalinsangang panahon sa ilang bahagi sa lalawigan ng Pangasinan.
Ayon sa PAGASA, bunsod ito ng umiiral na easterlies o mainit na hangin na nagmumula sa Pacific Ocean. Sa katunayan, kamakailan ay nakapagtala ng heat index na 36 Degree Celsius ang PAG-ASA Dagupan sa lalawigan.
Dahil dito, nagbigay paalala ang naturang ahensya ukol sa kalusugan ng bawat isa, lalo’t inaasahang aabot pa ito ng 37 Degree Celsius sa mga paparating na buwan. Ayon sa kanila, ito ay delikado na sa kalusugan ng tao at maging ng mga hayop na maaaring pagmulan ng iba’t ibang sakit.
Samantala, bilin naman ng ahensya na iwasan ang magbilad sa initan, magkaroon ng sapat na intake ng tubig, magsuot ng preskong damit, mainam din ang pagsasaayos ng bentilasyon sa mga pinaglalagian, at iwasan din ang pag-inom ng alak at kape sa mga ganitong panahon.
Dagdag pa ng PAG-ASA, mapapaaga ang pagdedeklara ng summer season kung saan inaasahan ito ngayong buwan, kaya’t pinapayuhan nila ang bawat isa na maghanda sa magiging epekto ng darating na tag-init. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨