
Cauayan City – Nadiskubre ng mga operatiba ng Provincial Intelligence Unit ng Philippine National Police (PNP), katuwang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang tambak na iniwang mga nilagaring kahoy sa kabundukan ng Sitio Didang, Brgy. Dionisio, Nagtipunan, Quirino.
Isinagawa ang operasyon bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa illegal logging.
Sa ulat, tinatayang aabot sa mahigit 4,000 board feet ng kahoy na may halagang humigit-kumulang ₱200,000 ang natagpuan sa lugar.
Gayunman, walang naabutang suspek ang mga awtoridad nang kanilang datnan ang lugar.
Agad namang nakipag-ugnayan ang mga operatiba sa Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Nagtipunan para sa wastong dokumentasyon at disposisyon ng mga nasabat na troso habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang mga responsable.
Hinimok ng mga awtoridad ang publiko na makipagtulungan at magbigay ng anumang impormasyon na makatutulong sa agarang pagkakaaresto ng mga suspek at sa mas pinaigting na kampanya laban sa illegal logging.
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










