𝗠𝗚𝗔 𝗕𝗘𝗔𝗖𝗛 𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗡𝗚𝗔𝗦𝗜𝗡𝗔𝗡, 𝗗𝗜𝗡𝗔𝗚𝗦𝗔 𝗡𝗚 𝗠𝗚𝗔 𝗧𝗨𝗥𝗜𝗦𝗧𝗔

Kasabay ng paggunita ng kapaskuhan ang pagdagsa ng mga bakasyonista mula sa iba’t-ibang lalawigan sa mga beach sa Pangasinan, partikular na sa mga baybayin ng Lingayen at Binmaley, ngayong holiday season.

Sa nagdaang kapaskuhan, kapansin-pansin ang pagdoble ng mga bumibisita sa mga baybayin ng mga nabanggit na bayan. Maraming bakasyonista ang pinili ang magpunta sa mga beach na ito, dahil umano sa ganda ng view, gayundin ang mga kalapit na atraksyon sa mga kalapit na bayan nito.

Ayon sa mga bakasyonista, sila ay nagsadya talaga na bumisita sa mga naturang beach, dahil mas makakatipid daw sila, dahil libre lamang ang pagligo rito, at damang-dama rin nila diumano ang espiritu ng pasko, dahil sa dami rin ng mga bumisita roon.

Bakas naman sa ngiti ng mga negosyante ang masiglang lagay ng kanilang mga negosyo, tulad na lamang ng mga nagpapa-upa ng mga cottages at maging ng mga street vendors.

Samantala, katuwang ng lokal na pamahalaan ang Phillippine Coast Guard (PCG) na nakafull-force sa pagbabantay at pagsisigurong ligtas ang sitwasyon ng mga bakasyonistang naliligo sa dagat. Gayundin, ang hanay ng Philippine National Police (PNP) na naniniguro sa peace and order ng lugar, pati na rin sa pagmando ng trapiko.

Gayunpaman, inaasahan pa ang pagdagsa ng mga bakasyonista, sa mga darating na araw dahil hindi pa tapos ang holiday season. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments