Ikinababahala ngayon ng lokal na Pamahalaan ng San Carlos City ang murang bentahan ng lupa sa ilang barangay dito.
Sa inilabas na pahayag ng City Planning and Development Office ng lungsod, naglipana ang mga post sa social media na nag-aalok ng murang subdivided na lupa sa Brgy. Ano, Bacnar, Baldog at sa iba pang panig ng lungsod.
Maaaring hindi umano lisensyado na developer ng mga ito at mayroong panganib na kaakibat.
Ayon sa tanggapan, maaring hindi maisyuhan ng titulo ang subdivided lot na nabili. Bukod dito, maaaring hindi makakuha ng locational clearance at iba pang kaukulang permit sa tanggapan.
Nakasaad sa Presidential Decree no.957 o ang Subdivision and Condominium Buyers’ Protective Decree ang pagbabawal sa pagbebenta ng lupa kung walang development permit at License-to-Sell ang may-ari o developer nito.
Paalala ng tanggapan, humingi ng katibayan sa mga nag-aalok ng murang lupa bago makipagtransaksyon.
Tiyakin din na sapat at angkop ang mga papeles ng lupa bago ito bilhin. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨