𝗡𝗨𝗥𝗦𝗘 𝗦𝗨𝗚𝗔𝗧𝗔𝗡, 𝗠𝗔𝗧𝗔𝗣𝗢𝗦 𝗕𝗨𝗠𝗔𝗡𝗚𝗚𝗔 𝗦𝗔 𝗧𝗥𝗔𝗜𝗟𝗘𝗥 𝗧𝗥𝗨𝗖𝗞

CAUAYAN CITY- Sugatan ang isang drayber ng isang SUV matapos makabanggaan ang isang trailer truck kahapon ika-17 ng Hulyo sa Brgy. Magsaysay, Naguilian, Isabela.

Kinilala ang sugatang drayber ng SUV na si Lyra Goze, 54-anyos, nurse, at residente ng nasabing lugar.

Habang ang tsuper ng trailer truck ay si Recto Pabon, 34-anyos, at residente ng Brgy. Sillawit, Cauayan City, Isabela.


Ayon sa pagsisiyasat ng pulisya, binabagtas ng dalawang behikulo ang magkasalungat ng direksyon at pagdating sa pinangyarihan ng insidente, umagaw ng linya ang SUV sa linya ng trak.

Sinubukan pa umanong iwasan ng trak ang SUV ngunit nagkabanggaan pa rin ang mga ito.

Nagtamo ng minor injury si Goze na agaran namang dinala sa pagamutan habang hindi naman nasaktan si Pabon.

Samantala, dinala sa himpilan ng pulisya ang mga behikulong sangkot sa insidente para sa karagdagang imbestigasyon at kaukulang dokumentasyon.

Facebook Comments