
Cauayan City – Wala pang ibinababang Official Guidelines ang National Office sa Land Transportation Office (LTO) Cauayan City kaugnay sa paggamit ng e-bike at e-trike sa mga national highway.
Sa panayam ng IFM News Team kay Deo M. Salud, LTO Cauayan Chief, sa kasalukuyan ay sa National Capital Region (NCR) pa lamang naipatupad ang naturang mandato.
Kasabay nito, patuloy pa ring tinutukoy ng mga kinauukulan kung saang mga bahagi ng national highway maaaring pahintulutang dumaan ang mga e-bike at e-trike.
Dagdag pa ni Salud, mahalagang magkaroon muna ng malinaw na patakaran mula sa national office upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng motorista at maiwasan ang kalituhan sa pagpapatupad ng regulasyon sa mga lalawigan.
Inaasahan naman na sa loob ng dalawang araw ay lalabas na ang opisyal na memorandum mula sa LTO national office na magsisilbing batayan ng implementasyon ng patakaran sa Cauayan City at iba pang lugar sa bansa.
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










