Kasalukuyan nang isinasaayos ang kalsada sa bahagi naman ng M. H. Del Pilar St. sa Dagupan City para sa layon pa rin na maibsan ang hirap ng mga komyuter at motorista sa bahang nararanasan tuwing may bagyo at high tide.
Nitong nakaraang taon, naranasan lalo sa bahagi ng Junction area sa lungsod ang malalim na baha dahil sa bagyong Egay at high tide kung kaya at isinulong na ang proyektong pagpapataas ng mga kakalsadahan at maging pag-uprade sa mga drainages sa lungsod upang maiwasan na muli itong maranasan.
Pansamantala rin munang hindi nagbebenta ang mga street food vendors sa bahagi ng M.H Del Pilar St. para sa maagang abiso sa kanila ukol sa road elevation at drainage upgrade.
Ayon sa ilang kawani ng POSO Dagupan, mula sa lokal na pamahalaan ang hindi muna pagpayag sa mga street food vendors na makapagbenta sa kanilang mga pwesto nang sa gayon ay hindi na kabigla-bigla pa sa mga ito ang pagpapatigil ng pagbenta sa oras na maumpisahan ang pagsasagawa ng kalsada sa bahaging iyon.
Sa ngayon, nakapaskil muna ang mga ‘No Vendors Allowed’ signages sa naturang bahagi ng kalsada at may mga nakaantabay na mga traffic enforcer ng POSO Dagupan para sa pag-monitor at paggabay sa daloy ng trapiko roon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨