Cauayan City – Pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela, sa tulong ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at Isabela Federation of Persons with Disabilities (IFPWD), ang selebrasyon ng International Day of Persons with Disabilities.
Ayon kay Gina Rivero, OIC ng PSWDO, higit 100 PWD ang sumailalim sa pagsasanay sa financial literacy at leadership skills upang maging mas handa sa pagiging lider ng kanilang mga komunidad.
Patuloy ang suporta ng pamahalaang panlalawigan sa sektor ng PWD sa pamamagitan ng mga programa tulad ng pagbibigay ng puhunan para sa prosthesis shop, buwanang rice subsidy para sa mga PWD na hindi na makapagtrabaho, at pamamahala ng dalawang residential care facilities sa School for the Blind sa Cauayan City at Isabela School for the Deaf Center sa Provincial Capitol Compound.
Hinimok din ni Gng. Rivero ang publiko na iwasan ang diskriminasyon laban sa PWD, dahil may mahalaga silang papel sa lipunan.
Pinasalamatan naman ni IFPWD President Jonathan Galutera ang pamahalaan para sa patuloy nitong suporta, kabilang ang rice subsidy program, libreng artificial leg, assistive devices, at iba pang proyekto para sa mga PWD.
Bilang bahagi ng selebrasyon, namahagi ang pamahalaang panlalawigan ng tig-10 kilo ng bigas sa mga PWD mula sa iba’t ibang bayan at lungsod ng Isabela.