Nilinaw ng pamunuan ng Provincial Human Settlements and Urban Development Authority ang isyu ukol sa napapabalitang pagpuputol ng mga markadong puno sa kahabaan ng Capitol Complex na maaapektuhan ng redevelopment project.
Hindi umano nangangahulugan na kapag tinukoy na apektado ang isang puno ay puputulin na ito. Minarkahan umano ang mga puno bilang inventory sa mga maaapektuhan dito na pinangunahan ng Community Environment and Natural Resources at DENR.
Nakalatag na rin ang plano sa mga ilang mga puno na nakatakdang sumailalim sa earth-ball method upang i-relocate sa ilang lugar.
Ang mga mahogany trees ay puputulin bilang ito ay tinutukoy na “invasive tree” ayon na rin sa ban na inisyu ng DENR noong 2020.
Samantala, ang iba pang mga puno ay maaaring ilipat sa Eco-Park sa Bugallon at mga puno ng niyog na ibabalik naman sa eco-tourism site sa Estanza, Lingayen.
Matatandaan na nauna nang ipinahayag ang pagtatanim ng mga naangkop na puno sa Capitol Complex na magiging bahagi na rin ng Green Canopy Program ng Pamahalaang Panlalawigan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨