
Cauayan City – Ilang araw matapos masunog ang kanilang bahay sa Brgy. Gappal, Cauayan City, Isabela, naloko pa ang pamilya Agbayani ng scammer na nakakuha ng P3,900 mula sa kanilang GCash account, sa kabila ng pagtulong ng mga mabubuting indibidwal.
Sa panayam ng iFM News Team, napag-alaman na una nang nakatanggap ang pamilya ng tulong mula sa ilang indibidwal matapos masunog ang kanilang bahay. Subalit, hindi pa rin nakaligtas ang pamilya sa mga masasamang loob na nang-abuso sa kanilang sitwasyon
Ayon kay Vanessa Acob, kapatid ni Ginang Joan Agbayani, ginamit ng scammer ang video interview ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginang Joan at nangako ng P50,000 na tulong. Gumamit rin umano ng pangalan ni Senator Bong Go at iba pang kilalang tao ang scammer upang malito ang pamilya at mabanggit ang OTP Verification na kailangan nito.
Dahil dito, tagumpay na nakuha ng scammer ang P3900 na laman ng kanilang gcash account. Mabuti na lamang umano at nauna na nilang nailabas ang P10,000 na nalikom mula sa mga naunang tumulong.
Nagpaalala naman sina Ginang Joan Agbayani at may-ari ng Gcash account na si Vanessa Acob na hindi na nila gagamitin ang numerong una na nilang ibinigay para sa pagtanggap ng tulong.
Labis ang pasasalamat ni Ginang Joan sa mga unang nagpaabot ng tulong at patuloy na nananawagan sa iba pang nais magbigay, lalo na para sa mga gamit ng kanyang anak.
——————————————
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










