Wednesday, March 4, 2026

𝗣𝗔𝗠𝗜𝗟𝗬𝗔 𝗡𝗚 𝗗𝗔𝗟𝗔𝗚𝗔𝗡𝗚 𝗡𝗔𝗧𝗔𝗚𝗣𝗨𝗔𝗡𝗚 𝗣𝗔𝗧𝗔𝗬 𝗦𝗔 𝗟𝗨𝗡𝗚𝗦𝗢𝗗 𝗡𝗚 𝗜𝗟𝗔𝗚𝗔𝗡, 𝗡𝗔𝗡𝗜𝗡𝗗𝗜𝗚𝗔𝗡𝗚 𝗠𝗔𝗬 𝗙𝗢𝗨𝗟 𝗣𝗟𝗔𝗬

Cauayan City – Naninindigan ang pamilya, mga kaibigan, at mga kasamahan sa simbahan ng isang dalagang kinilalang si Bianca na hindi pagpapakamatay ang dahilan ng kanyang pagkasawi kundi isang krimen na umano’y tinangkang pagtakpan.

Natagpuan si Bianca na wala nang buhay sa loob ng kanilang tahanan sa Purok 7, Barangay Osmeña, Ilagan City, Isabela.

May mga indikasyon umano mula sa isinagawang forensic examination na nagpapakitang posibleng nasawi ang biktima dahil sa pisikal na pananakit at hindi sa sariling kagustuhan.

Iginiit ng mga kaanak ng biktima na may taong sangkot sa insidente na umano’y sinubukang palabasing suicide ang nangyari.

Gayunpaman, buo ang kanilang paniniwala na lalabas din ang katotohanan sa tamang panahon at mananagot ang dapat managot.

Samantala, inilarawan si Bianca bilang isang mapagmahal na anak, mabuting kaibigan, tapat na lingkod ng Diyos, at aktibo siya sa dance ministry ng kanilang simbahan.

Bukod sa pagiging masayahin at maalalahanin, marami pa umanong pangarap at plano si Bianca para sa kanyang kinabukasan. Dahil dito, mas lalong mabigat para sa pamilya ang sinapit niya, na anila’y masyadong maagang nawala.

Sa gitna ng kanilang pagdadalamhati, nananawagan ang pamilya ng katotohanan, pananagutan, at hustisya para kay Bianca.

Patuloy rin silang humihiling ng panalangin at suporta mula sa komunidad habang isinusulong ang imbestigasyon sa insidente.

Source: Ilagan Full Gospel Church

————————————–

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.

‎#985ifmcauayan
‎#idol
‎#numberone
‎#ifmnewscauayan

Facebook Comments