𝗣𝗔𝗧𝗨𝗡𝗚-𝗣𝗔𝗧𝗢𝗡𝗚 𝗡𝗔 𝗞𝗔𝗦𝗢, 𝗜𝗦𝗜𝗡𝗔𝗠𝗣𝗔 𝗟𝗔𝗕𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗜𝗦𝗔𝗡𝗚 𝗡𝗘𝗚𝗢𝗦𝗬𝗔𝗡𝗧𝗘

Cauayan City – Mahaharap sa patong-patong na kaso ang isang negosyante matapos masamsam sa loob mismo ng kanyang tirahan sa bayan ng Aparri ng isang baril, bala, at drug paraphernalia.

Kinilala ang suspek na si Alyas Macoy, 28-anyos, at residente ng nabanggit na lugar.

Sa pamamagitan ng inisyung Search Warrant ng korte, hinalughog ng mga awtoridad ang tahanan ng suspek kung saan narekober rito ang isang kalibre 38 na baril, iba’t-ibang uri ng bala, mga residue ng hinihinalang shabu, at mga drug paraphernalia.


Bukod pa rito, nadiskubre rin sa compound ng bahay ni Alyas “Makoy” ang mga hindi dokumentadong tinistis na kahoy ng Narra na tinatayang nasa 1,336 board feet at nagkakahalaga ng P100,000.

Dahil sa mga ebidensyang nakumpiska, mahaharap ngayon ang suspek sa patong-patong na kaso kabilang na ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, at PD 705 o Illegal Logging.

Facebook Comments