Hinikayat ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) Region 1 ang mga miyembro nito na samantalahin ang paggamit ng mas pinasimple at mabilis na paraan upang makita ang membership sa pamamagitan ng Philhealth Member Portal.
Sa naturang portal, ayon kay Kristine Fontanoz, PhilHealth Region 1 Information Officer-Designate, maaari nang makita at ma-download ng mga miyembro ang kanilang Membership Data Record (MDR) at makapagbayad ng kanilang kontribusyon na puwede tuwing monthly, quarterly, semi-annually, o annually.
Upang magamit ang online portal, maaaring bisitahin ng miyembro ang website ng tanggapan. Doon ay pupunan ang mga detalye at i-activate ang registration. Kinakailangan din na maglog-in ang miyembro sa kanilang account upang masiguro na tama ang kanilang impormasyon bago i-idownload at i-print ang membership record.
Ipinaalala rin ni Fontanoz na bagkus maaari nang makakuha ng MDR sa online portal, kasalukuyang pang isinasaayos ng kanilang tanggapan ang pag-amyenda sa record ng isang miyembro. Tulad na lamang ng pag-update ng benepisyaryo, civil status o di kaya pagpapalit ng address.
Bilang karagdagan maaari na ring magbayad ng kontribusyon ang mga self-paying members gamit ang prepaid cards, debit o credit cards, pati sa GCash accounts na matatagpuan din sa member portal. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨