
Cauayan City – Muling namataan ang Philippine deer sa iba’t ibang bayan ng Marinduque matapos itong hindi makita sa loob ng maraming taon, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Itinuturing itong mahalagang tagumpay sa konserbasyon na pinangunahan ng DENR MIMAROPA katuwang ang mga lokal na komunidad.
Ayon sa ulat, nakumpirma ang presensya ng naturang hayop sa pamamagitan ng Biodiversity Monitoring System, camera traps, at information campaigns sa ilalim ng Marinduque Wildlife Sanctuary.
Noong 2025, naitala ang ilang sightings, kabilang ang hindi bababa sa sampung indibidwal sa Barangay Makulapnit, habang may mga bakas din na nakita sa Boac at iba pang lugar.
Sa kabila nito, nananatili ang banta sa kanilang populasyon dahil sa illegal hunting, poaching, at pag-atake ng mga asong-gubat.
Isa sa mga insidente ang nangyari noong Disyembre 28, 2025 kung saan isang babaeng usa ang nakaligtas sa pag-atake sa Balagbag Range.
Patuloy namang pinalalakas ng Protected Area Management Board ang ugnayan sa mga ahensya at komunidad upang maprotektahan ang wildlife, alinsunod sa Republic Act No. 9147.
Ayon sa DENR, patunay ang muling paglitaw ng Philippine deer na epektibo ang sama-samang pagkilos, ngunit kinakailangan pa rin ang tuloy-tuloy na pangangalaga upang masiguro ang kanilang kaligtasan.
Source: DENR-MIMAROPA










