Panunuod at pagkalantad sa pornograpiya ng mga kabataan ang isa sa nakikitang dahilan kung bakit mataas pa rin umano ang kaso ng teenage pregnancy sa bansa, ayon yan mismo sa Commission on Population and Development.
Noong 2022, pumalo sa isangdaan at limampung libo ang naitalang kaso ng teenage pregnancy sa bansa na siyang dapat na ikaalarma at dapat lamang umanong pagtuunan ng pansin.
Ayon kay Commission on Population and Development Communication Division Chief Mylin Mirasol Quiray, dapat na tignan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa kung ano pa man ang kanilang mga pinapanood online man o kahit saan pang platforms online gamit ang kanilang mga gadget lalo at isa ang pornograpiya sa nakikitang dahilan para mapunta sa sexual activity at teenage pregnancy ang karamihan sa mga ito.
Dagdag pa nito na noong 2021, nakitaan ang bansa ng mataas na exposure sa pornography ayon sa Young Adult Fertility and Sexuality study.
Dito naman sa lalawigan ng Pangasinan, sa huling tala nito sa ikatlong quarter ng 2023, naitala ang nasa higit isang libong kaso ng teenage pregnancy kung saan nagsisimula ang edad mula sampu hanggang dalawamput siyam na taong gulang. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨