Cauayan City – Nagbigay paalala at babala ang pamunuan ng Order and Safety Division kaugnay sa mga kolorum na mga sasakyan sa lungsod ng Cauayan.
Sa eksklusibong panayam ng iFM News Team kay POSD Chief Pilarito Mallillin, kamakailan lamang ay mayroon na silang nasampolang isang kolorum na bus na bumabiyahe sa lungsod ng Cauayan at sa iba pang karatig bayan.
Aniya, maliban dito marami ring mga pampasaherong tricycle sa lungsod ang kanila ng nahuli dahil sa pamamasada pa rin kahit na kulang ang mga papeles at dokumento ng kani-kanilang mga tricycle.
Sinabi ni Chief Malillin na may mga pagkakataon naman na sa halip na bigyan kaagad ng ticket at pagbayarin, inuutusan na lamang nila ang mga ito na kaagad na pumunta sa Business Permit and Licensing Office sa lungsod upang gamitin ang perang pambayad sa violation sa pagsasaayos ng kanilang mga franchise at mga permit.
Gayunpaman, bagama’t nagbibigay na ng konsiderasyon ay marami pa rin ang hindi sumusunod kaya naman wala silang ibang pwedeng gawin kundi mas maghigpit pa at ipatupad ang umiiral na batas kaugnay sa mga kolorum na mga sasakyan.