Naghahanda na ang tanggapan ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) sa posibleng epekto ng parating na La Niña Phenomenon sa huling bahagi ng taon.
Ayon kay PDRRMO Operations Head Vincent Chiu, bago pa umano dumating ang naturang weather phenomenon ay nagsasagawa na ng mga paunang pagpupulong ang Pamahalaang Panlalawigan kasama ang iba’t-ibang ahensya tulad ng Department of Health, Department of Agriculture at iba pang concerned agencies upang ipaalam ang nakalinyang mga aksyon para rito.
Tiniyak din ang nakapreposisyong mga kagamitan na gagamiting pagresponde sa mga maisasangguning emergencies maging ang pagkakaroon ng activated early warning system upang maabisuhan ang publiko sa banta ng parating na sakuna.
Saklaw pa ng hakbang ang pagsiguro sa posibleng mga maapektuhang sektor tulad ng agrikultura at livestocks, imprastraktura, food security at iba pa.
Samantala, sa pinakahuling update ng PAGASA, mayroong 66% na tyansang mabuo ang La Nina simula ngayong buwan ng Septyembre hanggang Nobyembre at inaasahang mararamdaman hanggang sa unang quarter ng taong 2025. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨