
Cauayan City – Inanunsyo ng Isabela Electric Cooperative II (ISELCO II) ang scheduled power interruption sa ilang bayan sa lalawigan ng Isabela sa Huwebes, Pebrero 5, 2026, mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi.
Ito’y bahagi ng isasagawang preventive maintenance service sa Roxas at San Manuel Substations na layong masiguro ang maayos, ligtas, at tuloy-tuloy na suplay ng kuryente sa lalawigan.
Ayon sa ISELCO II, maaapektuhan ng pansamantalang pagkawala ng kuryente ang mga bayan ng Aurora, Mallig, Quezon, Quirino, Roxas, at San Manuel sa Isabela, gayundin ang Bayan ng Burgos maliban sa mga lugar ng Raniag, San Bonifacio, San Miguel, San Roque, Sitio Duco, at Sitio Singson na hindi kabilang sa isasagawang power interruption.
Posible ring matapos nang mas maaga ang mga gawain kaya maaaring maibalik ang suplay ng kuryente bago ang itinakdang oras, habang tiniyak naman ng ISELCO II na agad na ibabalik ang serbisyo sa sandaling makumpleto ang mga aktibidad kahit walang paunang abiso.
Samantala, hiniling ng ISELCO II sa mga consumer na iwasan ang pagkopya o pagre-repost ng mga larawang naglalaman ng impormasyong may kinalaman sa power interruption, billing, at iba pang usaping pampubliko dahil ang mga ito ay maaaring mabago o ma-update anumang oras.
Pinapayuhan ang publiko na patuloy na sumubaybay sa opisyal na anunsyo ng ISELCO II para sa karagdagang impormasyon at updates kaugnay ng naturang power interruption.










