Monday, February 9, 2026

𝗣𝗥𝗢𝗗𝗨𝗞𝗧𝗢𝗡𝗚 𝗜𝗦𝗔𝗕𝗘𝗟𝗜𝗡𝗢, 𝗜𝗧𝗔𝗧𝗔𝗠𝗣𝗢𝗞 𝗦𝗔 𝗕𝗔𝗡𝗦𝗔𝗡𝗚 𝗘𝗨𝗥𝗢𝗣𝗔

Cauayan City – Target ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela at Department of Trade and Industry (DTI) Region 2 na dalhin sa merkado ng Europa ang mga produktong gawang Isabelino sa pamamagitan ng product showcase sa pagdiriwang ng Philippine Independence Day sa Geneva ngayong June 2026.

Sa pakikipagpulong kay Philippine Ambassador to Switzerland Bernard Faustino M. Dy, tinalakay ng delegasyon ang mga hakbang upang maipakilala sa international market ang mga produktong agrikultural at processed food ng lalawigan.

Pinangunahan ni DTI Region 2 Director Maria Sofia G. Narag ang delegasyon, kasama sina Atty. Paul Angelo R. Uy, Provincial Economic Development and Investment Promotions Officer, Provincial Tourism Officer Joanne D. Maranan, at Maria Corazon C. Mamuri, Senior Trade and Industry Development Specialist ng DTI Region 2.

Ayon sa pamahalaang panlalawigan, bahagi ito ng mas pinalakas na kampanya ng administrasyon ni Governor Rodolfo T. Albano III upang mabigyan ng mas malawak na oportunidad ang micro, small, and medium enterprises (MSMEs) ng Isabela na makapasok sa pandaigdigang pamilihan at makahikayat ng pamumuhunan.

Inaasahang dadaluhan ng mga opisyal ng Switzerland, diplomats, at kinatawan ng international organizations ang naturang pagdiriwang, na magsisilbing tulay upang mapalawak ang export potential ng mga produktong Isabelino.

Makikipagtulungan ang Isabela sa Philippine Trade and Investment Center at gagamitin ang Philippines–EFTA Free Trade Agreement upang mapadali ang pagpasok ng mga lokal na produkto sa merkado ng Europa.

Nagpahayag naman si Ambassador Dy ng buong suporta sa inisyatiba, habang iginiit ni Director Narag na mahalagang hakbang ito sa pagsusulong ng “Go Global” strategy para sa mga MSME ng lalawigan.

————————————–
‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
‎#985ifmcauayan
‎#idol
‎#numberone
‎#ifmnewscauayan

Facebook Comments