Cauayan City – Matapos ang ginawang TB Caravan sa Brgy. Villa Concepcion, Cauayan City, pinaalalahanan rin ang publiko hinggil sa kahalagahan ng kaalaman patungkol sa sakit na Tuberculosis.
Sa eksklusibong panayam ng iFM News Team kay Ms. Cristina Pagulayan, TB Nurse Coordinator sa lungsod, mahalagang malaman ng publiko kung ano ang sakit na TB.
Aniya, isa ito sa dahilan kung bakit nagsasagawa ng TB Caravan ang City Health Office sa lungsod katuwang ang iba pang ahensya.
Dagdag pa niya, quarterly ay nagkakaroon ng TB Caravan sa mga barangay sa lungsod ng Cauayan upang mas makita kung ilan ang bilang ng mga indibidwal na makikitaan ng sintomas ng sakit na TB.
Sa pamamagitan nito, mas maaagapan ang paglala ng sakit ng mga ito dahil sila ay bibigyan rin ng libreng gamot.
Sinabi rin ni Ms. Pagulayan na maganda ang hakbang na ito dahil mas marami ang matutulungan lalo pa’t hindi naman lahat ay may kakayahan na ipagamot ang kanilang mga sarili.