Nakikisimpatya ngayon ang mga ilang mga PUJ drivers at operators sa Pangasinan para sa mga kapwa nilang driver sa bansa na hindi nakabilang sa Franchise Unit Consolidation noong deadline nitong December 31, 2023 alinsunod pa rin sa umiiral na PUV Modernization Program.
Kung susumain, nasa 200, 000 sa buong bansa ang umanong mga tsuper at operators ang hindi na makakapasada bilang bigo ang mga itong magconsolidate ng kanilang minamanehong mga pampasaherong sasakyan.
Ayon sa mga kabilang na sa kooperatiba o Transport Service Entities (TSE), maging sila ay hindi sang-ayon sa consolidation dahil tila hakbang ito papunta sa ikinatatakot na Jeepney Phaseout, bagamat wala naman daw silang magawa kung hindi ang sumunod na lamang.
Sa kasalukuyan, nasa mahigit 90% sa Pangasinan ang consolidated habang may tyansa naman ang mga operators at drivers na mapabilang sa kooperatiba hangga’t wala pang umiiral na TSE sa kanilang kinabibilangang ruta.
Samantala, samo’t-saring reaksyon at saloobin ang patuloy na ipinapahayag ng publiko kaugnay sa suliraning kinakaharap ngayon ng transport sector. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨