
Cauayan City – Nasawi ang isang 74-anyos na lolo matapos matupok ng apoy ang kanilang bahay sa Sitio Mekdew, Barangay Pinayag, Kayapa, Nueva Vizcaya nitong Mayo 22, 2026.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) Kayapa, kinabukasan na ng May 23 nila nalaman ang insidente dahil sa kalayuan ng lugar. Tinatayang aabot sa isaβt kalahating oras ang biyahe mula sa sentro ng bayan at may karagdagang isang oras na lalakarin patungo sa bahay ng mga biktima.
Batay sa imbestigasyon ng Kayapa Police Station at BFP Kayapa sa pamumuno ni SFO3 Conrado Tugade, Municipal Fire Marshal, nagsimula ang sunog sa kusina bandang alas-onse ng gabi. Pinaniniwalaang nagmula ito sa kahoy na lutuan ng mag-asawa at mabilis na kumalat sa iba pang bahagi ng bahay.
Sa salaysay ni Tugade, matapos manahi ng damit ang asawa ng biktima ay napansin nitong nasusunog na ang kusina kung saan natutulog ang kanyang mister na isang person with disability (PWD).
Agad niya itong inilabas, ngunit nang bumalik siya sa loob upang iligtas ang ilang gamit, hindi niya namalayang bumalik muli sa kusina ang kanyang asawa.
Dahil dito, na-trap ang matandang lalaki sa loob ng nasusunog na bahay at nasuffocate hanggang sa tuluyang bawian ng buhay.
Bagamat hindi na makalakad ang biktima, pinaniniwalaang gumapang pa ito sa loob ng bahay. Samantala, mahina na rin ang pangangatawan ng kanyang asawa kayaβt wala na itong nagawa kundi maghintay ng umaga bago makarating sa pinakamalapit na kapitbahay.
Tanging ang mag-asawa lamang ang nakatira sa bahay at malayo ang mga kapitbahay nila. Tinatayang kalahating kilometro ang layo nito kaya wala agad nakatulong o nakapagresponde sa insidente.
Dahil sa insidente, muling nagpaalala ang BFP sa publiko na maging maingat sa paggamit ng kahoy sa pagluluto. Pinayuhan ang mga residente na tiyaking may sapat na distansya ang mga imbakan ng kahoy at ang dingding ng bahay upang maiwasan ang sunog.
Source: DWRV
Photo Courtesy: NVPPO
————————-
βPara sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
β#985ifmcauayan
β#idol
β#numberone
β#ifmnewscauayan










