Saturday, April 11, 2026

𝗥𝗘𝗤𝗨𝗜𝗥𝗘𝗠𝗘𝗡𝗧𝗦 𝗦𝗔 𝗖𝗔𝗦𝗛 𝗔𝗦𝗦𝗜𝗦𝗧𝗔𝗡𝗖𝗘 𝗣𝗔𝗥𝗔 𝗦𝗔 𝗠𝗚𝗔 𝗧𝗥𝗜𝗖𝗬𝗖𝗟𝗘 𝗗𝗥𝗜𝗩𝗘𝗥𝗦, 𝗡𝗜𝗟𝗜𝗡𝗔𝗪 𝗡𝗚 𝗗𝗦𝗪𝗗 𝗥𝟮

Cauayan City – Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development Region 2 ang requirements na kinakailangan ng mga tricycle drivers para sa pagtanggap ng tulong pinansyal mula sa kanilang ahensya.

Sa eksklusibong panayam ng IFM Newsteam kay DSWD Regional Director Lucia Suyu-Alan, sinabi nito na tanging drivers license lamang ang kailangang ipresinta ng mga benepisyaryo kapag kukunin ang nabanggit na cash aid at ang kanila lamang iiwan sa magre-release ng pera ay ang photocopy ng kanilang lisensya.

Matatandaang noong nagkaroon ng pay-out sa ilang lungsod sa lalawigan ng Isabela noong ika-8 ng Abril, isa sa mga nagdulot ng kalituhan sa mga benepisyaryo ay kung ano nga ba ang requirements na kailangan nilang dalhin.

Maliban dito, nilinaw din ni RD Lucia Suyu-Alan na hindi sila ang namili ng mga benepisyaryo, at ang listahan ng mga tumanggap ay inendorso lamang ng Local Government Unit na base rin sa ipinasang listahan ng mga TODA.

Aniya, kung mayroon mang mga hindi napabilang sa listahan, maaari nilang isangguni ito sa LGU.

Dagdag pa ng direktor, ang tulong pinansyal na ito ay para lamang sa mga driver at hindi para sa mga operator, maliban na lamang sa mga tricycle driver-operator.

Samantala, para naman sa mga tricycle drivers na hindi pa nakukuha ang tulong para sa kanila, maaari na silang magtungo sa pinakamalapit na opisina ng DSWD sa kanilang lugar hanggang sa araw ng Lunes, ika-13 ng Abril upang kunin ang kanilang cash aid.

Nakatakda namang makatanggap ng parehong tulong pinansyal ang mga tricycle drivers mula sa iba’t-ibang bayan sa mga susunod na araw ngayong natapos na ang pay-out sa ilang lungsod sa lalawigan.

Facebook Comments