Pumalo sa 23.7% ang naitalang rice inflation sa nagdaang buwan ng Pebrero, mas mataas kumpara sa rice inflation noong buwan ng Enero na nasa 22.6% lamang, ayon sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority o PSA.
Ito ang pinakamataas na rice inflation na naitala hanggang sa kasalukuyan simula pa noong February 2009.
Nasa 3.4% naman ang kabuuang headline inflation ng bansa sa nakalipas na buwan, mas mataas kumpara noong Enero na nasa 2.8% lamang.
Isa sa nakikitang dahilan ay ang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa pandaigdigang merkado.
Kaugnay nito, pinayuhan ng isang kongresista ang pamahalaan na tutukan sana umano ang bigas upang mapahupa ang kabuuang inflation rate ng bansa.
Mahalaga aniya ang pagpapatupad ng mga interventions ng Department of Agriculture na nakatuon sa pamamahala sa bigas.
Samantala, bumaba na ang presyo sa kada kilo nito sa ilang pamilihan sa lalawigan ng Pangasinan at inaasahang mas bababa pa ito sa unang bugso ng harvest season sa susunod na buwan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨