
Cauayan City – Mas palalakasin pa ng Cordon Police Station ang pagbabantay sa mga kalsada sa bayan ng Cordon, Isabela ngayong taong 2026.
Sa panayam ng IFM News Team kay Police Captain Federico Tulay, Deputy Chief of Police ng Cordon Police Station, patuloy ang ginagawang seminars at symposium ng kanilang himpilan kaugnay sa road safety awareness..
Target ng kanilang programa na mas mapalawak ang kaalaman ng mga motorista pagdating sa mga batas trapiko at sa mga bagay na dapat isaalang-alang upang mapanatili ang kaligtasan sa kalsada.
Kabilang rin sa hakbang na kanilang ginagawa ay ang paglalatag ng iba’t-ibang checkpoints sa mga kalsada upang masiguro ang pagsunod at pagiging responsable ng mga biyahero.
Ngayong taong 2026, mayroon na umanong mga naitalang vehicular accident sa kanilang bayan kung saan karamihan rito ay self inflicted accidents.
Sa pinakahuling ulat, isa na ang naitalang nasawi sa mga naganap na aksidente. Ito ay ang nasawing pulis na sumalpok sa poste at nabangga ng isang refrigerated van.
Samantala, nagbigay paalala naman si Police Captain Tulay sa mga motorista na maging responsable sa paggamit ng kalsada, sundin ang mga umiiral na batas trapiko, at iwasan ang pagmamaneho habang nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin upang maiwasan na masangkot sa anumang insidente.
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










