Friday, February 27, 2026

𝗥𝗢𝗫𝗔𝗦 𝗣𝗡𝗣, 𝗡𝗔𝗚𝗟𝗨𝗡𝗦𝗔𝗗 𝗡𝗚 𝗔𝗪𝗔𝗥𝗘𝗡𝗘𝗦𝗦 𝗗𝗥𝗜𝗩𝗘 𝗞𝗢𝗡𝗧𝗥𝗔 𝗕𝗨𝗟𝗟𝗬𝗜𝗡𝗚 𝗦𝗔 𝗠𝗚𝗔 𝗣𝗔𝗔𝗥𝗔𝗟𝗔𝗡

Cauayan City– Pinalakas ng Roxas Police Station ang kampanya laban sa bullying sa pamamagitan ng pagsasagawa ng information drive sa mga mag-aaral ng Roxas West Central School.

Layunin ng aktibidad na palawakin ang kaalaman ng mga estudyante hinggil sa Republic Act No. 10627 o mas kilala bilang Anti-Bullying Act of 2013, at maiwasan ang mga insidenteng may kaugnayan dito.

Tinalakay sa aktibidad ang iba’t ibang klase ng bullying, ang mga karapatan at responsibilidad ng mga mag-aaral sa ilalim ng batas, at ang kahalagahan ng agarang pag-uulat ng anumang insidente sa mga guro, magulang, at awtoridad.

Binigyang-diin din ang mahalagang papel ng paaralan, pamilya, at komunidad sa paglikha ng ligtas at suportadong kapaligiran para sa mga kabataan.

Hinimok ang mga mag-aaral na pairalin ang respeto at responsableng pag-uugali sa kanilang kapwa. Ipinaalala rin ang mga maaaring kaharapin na legal na pananagutan ng sinumang mapapatunayang sangkot sa bullying, gayundin ang tamang proseso ng paghingi ng tulong.

Ayon sa Roxas Police Station, mananatili silang katuwang ng mga paaralan at iba pang sektor upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan at masiguro ang isang ligtas at bully-free na komunidad.

————————————–

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.

‎#985ifmcauayan
‎#idol
‎#numberone
‎#ifmnewscauayan

 

Facebook Comments