Dumepensa si San Quintin Mayor Florence Tiu ukol sa kanilang naging sagutan ni Councilor Farah Lumahan sa kahabaan ng provincial road sa Brgy. Mabini noong August 24.
Nakuhanan ang dalawa ng video na ngayon ay umaani na ng reaksyon sa mga netizen.
Ayon sa pahayag ng alkalde, nag-ugat ang isyu sa ilegal na pagbubungkal sa provincial road na sakop ng naturang barangay dahil sa ginagawang proyekto na patubig.
Isinangguni lamang umano ng alkalde sa pulisya ang aktibidad dahil nagdudulot umano ng matinding trapiko sa mga motorista ang proyekto.
Kinumpirma naman ng kapulisan na walang kaukulang permit mula sa Provincial Engineering Office o lokal na opisina ang pagbubungkal sa provincial road.
Nilinaw ng opisyal na hindi ito salungat sa magandang intensyon ng proyekto dahil dinadaing ng mga residente ang patubig doon.
Giit nito na dapat dumaan sa legal na proseso ang pagbubungkal dahil maaaring magdulot ng aksidente sa mga motorista ang ginawang butas..
Apela nito sa publiko na kilatisin ang bawat impormasyon na nakikita sa social media at alamin muna ang katotohanan bago ito ibahagi sa ibang tao. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨