Hinihimok ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang publiko kaugnay sa social media posting ukol sa gaganapin o gagawing mga bakasyon sa darating na Semana Santa.
Ayon kay Police Col. Jean Fajardo, hindi umano maiiwasan ang mga insidente o krimen ng mga kawatan tulad ng pagsasalisi o pagnanakaw sa mga ganitong panahon.
Kaya naman payo nito na mainam kung siguraduhin na ligtas at nakakandado lahat ng mga pinto o bintana sa tuwing aalis ng bahay para mamasyal o magbakasyon.
Binigyang-diin nito na huwag mag-real time posting kung saang lugar o pook na pinagbabakasyunan naroroon upang maiwasan ang anumang atake dahil maaari itong makitang oras upang samantalahin at gumawa ng krimen.
Samantala, puspusan naman ang ginagawang paghahanda ng hanay ng kapulisan sa pagtiyak ng kaligtasan partikular ang mga biyahero at kapayapaan sa pagdaraos ng Semana Santa. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨