Aabot sa higit isang daang magsasaka sa bayan ng Bolinao at Burgos ang mabebenepisyuhan ng inilunsad na Solar-Powered Pump Irrigation Project ng National Irrigation Administration at Department of Agrarian Reform sa pamamagitan ng Comprehensive Agrarian Reform Program -Irrigation Component (CARP-IC). Isinagawa ang turn-over ceremony ng Catuday DWIP (Extension) sa Brgy. Catuday, Bolinao at San Miguel Solar Powered Irrigation Project (SPIP) sa Burgos, Pangasinan.
Tinatayang ang Catuday Extension Project ay magkakaroon ng 88 farmers-beneficiaries mula sa 100 hectares na maaaring mapatubigan na mga pananim habang ang San Miguel SPIP ay may 23 na farmers-beneficiaries mula sa 25 hectares na farm areas sa lugar.
Sa naging mensahe ni Engr. Alfred D. Amoloria, Division Manager B, CARP-IC PMO mula sa NIA-Central Office, na kailangang pangalagaan umano ang mga proyektong ipinagkaloob ng gobyerno sa mga benepisyaryong magsasaka gaya ng pagmamahal sa kanilang pamilya at mahal sa buhay dahil sa ito ay kanilang katuwang upang magkaroon ng magandang ani at kita.
Samantala, sinabi naman ni NIA-PIMO Acting Division Manager Engr. John N. Molano, na patuloy na aagapay ang ahensiya sa mga magsasaka at bukas ang opisina sa anumang hinaing na maaaring makatulong sa mga magsasaka. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨